Showing posts with label Christmas. Show all posts
Showing posts with label Christmas. Show all posts

Wednesday, December 26, 2012

Pasko sa Cinema 5

Pasko. Nakikipagsapalaran sa kapal ng tao, hinahanap-hanap ang dulo ng pila para sa Cinema 5. Ito na iyong sikip na kapag may nagloko ay puwedeng humantong sa stampede. Pero nagpupumilit pa rin ang mga tao dahil Pasko. At upang matabunan ang lungkot sa kanilang mga buhay-buhay, kailangan nilang makapasok sa Cinema 5, 5:20 PM upang manood ng Sisterakas!


Hindi magandang ideya ang manood sa sinehan tuwing Pasko. Bentang-benta ang MMFF (Metro Manila Film Festival), kaya naman, "bentang-benta" rin ang mga upuan sa sine. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong parusahan ang sarili ko tuwing Pasko. Ayoko nang ireklamo na naman ang SM Cinemas, at ang kawalan ng kontrol sa lahat ng mga dapat gawin sa dami ng tao sa mga ganitong panahon. Sa lahat ba naman kasi ng pelikula na pwedeng unahin sa MMFF, yun pang crowd favorite ang pinili. Sabi ko na nga eh dapat nag-El Presidente nalang kami!

Umabot nga pala ang dulo ng pila hanggang sa pinakamalapit na Shakey's, nangangahulugang nalagpasan niya ang Cinema 6 (ano kayang pelikula 'to?), ang CR, at anim na spa. Bongga 'di ba? Kaya hindi na ako nagulat nang madiskubreng wala na palang pwedeng maupuan sa loob ng sine (pero kuha pa rin ng kuha ng ticket si Kuya Personnel - push mo 'yan, 'te! O, pasok pa yung mga nasa dulo ng pila - damay-damay tayo, the more the merrier!).

Puno ang sine, literal! Wala namang choice, wala rin tayong magagawa. Kung saan-saan nalang naupo ang mga huling nakapasok, minamataan ang may mga upuan na pero nakabalikuko pa rin sa mga cell phone nila habang may earphones na nakasaksak sa mga tainga.

Kasama kami dun sa mga naupo nalang sa aisle na katabi ng fire exit.


Sisterakas. Ang hirap pagdiskusyunan. Hindi naman pangit. Ngunit, kung dadamahin at uunawain mo ang pelikula, hindi rin ito ganoon ka ganda. Isa na naman siguro sa mga likha na dahil sa mga nagbibigatang cast (Kris Aquino, Ai Ai de las Alas, at lalo ka na, Vice Ganda), ay nailuwal para sa perang sigurado. But, I have nothing against the whole thing. Naiintindihan ko naman kung bakit ito ang naunang panoorin sa MMFF ng nakararami. Eh kung sa gusto ng mga tao na tumawa.

What you see is what you get. Hindi naman nakabibigo sa parte ko. Pumalya ang storyline - hindi ko alam kung sadya - pero nakakatawa naman talaga itong Sisterakas. Benta ang jokes, benta ang pag-arte. Bentang-benta rin sina Daniel Matsunaga at Daniel Padilla - seryoso, kainis, ang daming walang hiyang babae na nagtitilian tuwing lumalabas ang dalawang 'to.

Okey naman. Malalakas na halakhakan mula sa mga manonood ang naidulot nito. Kung gusto mo ng pelikulang pangpaalis ng stress at hindi na kailangang analisahin, kung mahilig ka sa mga banat, kung trip mo yung Rubadabango, bili ka ng ticket. Masaya naman 'yung mga tao pag-alis sa sinehan.

-----------------------

Pauwi. Nakasakay sa jeep.

Driver: Usog-usog! Maluwag pa, jeep lang tayo! Ang mayaman, nagta-taxi!

Ayun. Wala lang. Yan lang naman ang nangyari sa Pasko ko.

Thursday, December 20, 2012

Mga regalo


Napagtanto ko na salungat sa buhay ko noong hayskul, medyo marami pala ang kaibigan ko ngayong nasa kolehiyo na ako. Anupa't, nagkasundo kami na magkaroon ng exchange gift "in line with the Christmas season"! Ngayon ko lang ulit naranasan ang ma-stress kahahanap ng regalo. Ngayon lang din ulit naubos ang ipon ko dahil dito!


Anyway, ito ang natanggap ko mula sa kanila (in chronological order):


Galing kay Alain. Talagang pink ah. Meron itong "encouragement": Go confidently in the direction of your dreams. Live the life you've imagined. Diplomatiko talaga ang dating mo, Alain! Puwedeng-puwede! Iniwan ko ito sa dormitoryo dahil may nagaganap doong kakulangan ng unan.

album of The Killers band

Galing kay CJ. Ito na talaga! Ang Battle Born album ng The Killers. Imported ang peg! Ilang buwan ko rin itong pinagnasaan, minamataan tuwing nakakapasok sa Odyssey at Astroplus kaya napagkakamalan akong shoplifter. Sabik na akong makinig ditoooo, grabeeeeeee! Day and Age nalang ang kulang ko; sino man ang magmamagandang loob na bilhan ako ay mamahalin ko. :D


Galing kay Rhea, na siyang nakabunot sa akin sa aming exchange gift. Nakita ko itong pakalat-kalat sa Room 206 kaya pinulot ko. Kaya pala nababahala si Rhea nung PE. Oh, eh para sa akin naman daw pala talaga ito! Tadhana?


Galing kay Marie, na inuto muna ako! Sinabing iyong binabasa niyang Brida ang talagang ireregalo niya - sandali lang daw at babalutin niya! Nagulat ako nang punitin ko ang gift wrap at iba ang lumabas. He he.

novel by Voltaire

Galing kay Krystle. Candide by Voltaire, na matagal ko nang inaasam-asam, at isang oras hinanap ni Krystle sa National Bookstore. Tumpak ang effort, 'te. Ito na ang aking holiday book for 2012!

awesome gift suggestion for wannabe writers

SIYEMPRE ITO NA TALAGA.

Galing kay Katnice. Bonggang typewriter na okey na okey pa rin kahit secondhand. Noong una, sinabi pa niya na hindi raw typewriter ang ibibigay niya... kundi laptop! At dahil naka-box pa ito ng Lenovo nang ihandog, nauto nga ako! Pero okay lang kahit hindi. Ito pa rin ang dabest na regalo na natanggap ko ngayong Pasko!

Wala lang, pasikat lang. Nais ko lang namang ikalugod ang sikap na ibinuhos ng aking mga kaibigan sa paghahanap ng mga regalong ito para sa akin. Matagal na rin kasi akong walang natatanggap. He he.

Wednesday, December 19, 2012

Paskong uma-Arriba - part 2


Matapos pumalpak ng misyong hanapin ang dayuhang pulubi, bumalik na kami sa kolehiyo. Tumawag si Katnice, hinahanap kami. Paskong-Pasko eh may duty pa rin itech! Nagmagandang-loob nalang kami ni CJ na tulungan siya, basta makapagpalamig sa Rector's office hehe.


Nang kinagabihan...

Fireworks display - at concert ng Kamikazee!
Mukhang masaya naman si Reia sa dami ng unggoy na natanggap niya.
Pero, parang hindi natuwa si Marie. :))
Kristelle, Krystle
Hinintay namin itong babae sa kanan para sa exchange gift - gabi na dumating! Kaya sa mismong fireworks display nalang kami nag-exchange gift. Waging-wagi ang stand-up act ng tatlong graduating CA students. At waging-wagi rin ang stink bomb na nagawa ng libreng pagkain na tila napanis sa tagal sa catwalk!



At ang picture of the night. With very good people - at mapalad ako na sa akin talaga sila naibahagi! Si Krystle ang unang kumausap sa akin at ako ang unang kumausap kay Katnice. Konektado kami, mga chong, hindi lang basta-basta. Masayang makasama tuwing araw ng Pasko ang mga taong pinahahalagahan mo.

Maghahatinggabi nang nakabalik ako sa dormitoryo.

At doon nagtapos ang pinakamasayang araw ko sa kolehiyo.

Paskong uma-Arriba - part 1

May pulubi sa underpass patungong SM Manila. Hindi ko alam kung matagal na siya roon sapagkat unang beses ko palang gumala sa Maynila nang ganoon ka-gabi. Laganap ang pulubi sa labas ng Walled City; sa tingin ko, hindi ko rin naman mapapansin ang partikular na pulubing ito kung hindi dahil sa hawak niyang karatula: "Please, I am hungry." Nagulat ako nang tignan ko siya at - dayuhan pala.

Pero kahapon pa iyon.


Ngayon.

Pumasok sa kolehiyo, bitbit ang isang malaking sako ng regalo. Eksaherasyon, pero ang sarap ko naman daw sigurong maging kaibigan. Ha ha! Sa di-malamang rason, medyo bangag din pala ang camera, kaya kung wala akong kuwenta sa pagkuha ng litrato noon, aba'y lalo pa itong nabigyan-diin ngayon.

Tumambay sa Page 1620 kasama sina Jam, Dyan, at Kristelle. Dito ko naikuwento ang pulubi sa underpass. Hindi lang pala ako ang nakakita dito - pati pala si Dyan, sa eksaktong din. Plano naming hanapin siya, ibibigay lang iyong tinapay na binili ni Dyan para sa kanya. Pero, bago pa kami makapagsimula, sinundo na si Dyan pabalik sa Pangasinan. Naiwan sa akin ang tinapay.

At may mini-salon pa sa classroom...
Straight hair na si Alain!
Photoshoot ni Kevin - endorser ng salamin!
Umakyat ako sa Room 206, kung saan nakatambay ang mga blockmates ko. At dahil naweweirduhan sila na may dala akong tinapay at sako ng regalo (Santa Claus?), napilitan akong sabihin ang balak namin kanina ni Dyan. Game si Alain, agad minungkahi na hanapin namin ang pulubi ("ngayon na!"), pwede raw naming dalhin sa US Embassy.

Hinanap nga namin.

Ang Justice League ng Intramuros!
Pero, wala na roon ang dayuhang pulubi. Never give up. Hinanap pa rin namin - inikot namin ang kaligid-ligiran ng Central Station. Wala talaga.

Pahinga sa SM Manila hanggang tatlo nalang kami nina CJ at Alain ang natira. Nanghihinayang si Alain dahil gusto niyang "magkaroon ng meaning ang Pasko niya". Gusto ko rin.

Kaya naman, ito ang nangyari: binuksan naming tatlo ang plastik ng tinapay, pinagdesisyunan na ibahagi ang laman sa lahat ng pulubing madaanan namin. Not a bad idea. Game!

Wala naman sigurong pulubi diyan, CJ?
Ang lalaking natutulog sa niyuping karton ang una naming binigyan. Medyo madungis - iyong para bang walang-wala na. Si CJ ang naglapag ng dalawang tinapay sa karton. Nagising ang lalaki, tila nasindak ngunit nalugod din nang maintindihan ang pakay namin. Natulog nalang siya ulit.

At marami pang iba. Sa underpass patungong Sta. Cruz, naglaan kami ng dalawang tinapay para sa lalaking natutulog nang hubo sa sahig. Sa isang pamilya sa likod ng PLM - ang nanay at ang tatlo niyang anak. Isa lang ang mata ng ina. At sa magkakapatid na nagkukutuhan sa underpass ng Central Station patungong Intramuros. Ako ang nag-abot ng tinapay sa matandang babaeng kinakausap ang sarili niya. At bago makapasok sa mismong Walls, sa isang batang lalaki na madalas kong nakikita tuwing papasok ako sa eskuwelahan.

At sabi ni Alain, "Sana hindi sila lumaki nang ganito pa rin". Nakalulungkot lang isipin. Ramdam ko ang bigat na aming natamo sa buong pangyayaring iyon. Na kahit sabihin kong ginusto namin, hindi ko pa rin inasahan na ganoon ang magiging bunga ng aming pag-uusyoso. Must have been quite a sight. Tatlong estudyante ng Journalismo, nagpapamigay ng pagkain sa mapahamak na lungsod ng Maynila.

Naiisip ko na naman si Manong sa labas ng 7-11 na walang-humpay kung umihip sa kanyang harmonica. At, iyong bulag na matanda na tumutugtog ng ukelele sa daanan. Iyong ama na umahon sa underpass pasan ang kanyang anak na mayroon matinding karamdaman. Iyong mga batang humabol sa amin, humihingi ng regalo. Iyong mga magulang na may mga kapansanan kaya hindi makapagtrabaho. Iyong mga taong nawala sa kanilang tamang pag-iisip. Iyong dayuhang pulubi na may kahabag-habag na karatula.

Realidad. Latak ng ating paggiging tao. Kahirapan ng buhay. Ito ang mundo sa labas ng aking bahay o hayskul, o kahit saan pang lugar kung saan ako ligtas. At dito na iikot ang pang-araw-araw ko. Hindi ito magandang tignan.

Napa-isip ako ng malalim. At alam kong napa-isip din sina Alain at CJ. Hindi lungkot, hindi tuwa. Hindi rin pagod. Puros lamang pag-uunawa.