Hindi magandang ideya ang manood sa sinehan tuwing Pasko. Bentang-benta ang MMFF (Metro Manila Film Festival), kaya naman, "bentang-benta" rin ang mga upuan sa sine. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong parusahan ang sarili ko tuwing Pasko. Ayoko nang ireklamo na naman ang SM Cinemas, at ang kawalan ng kontrol sa lahat ng mga dapat gawin sa dami ng tao sa mga ganitong panahon. Sa lahat ba naman kasi ng pelikula na pwedeng unahin sa MMFF, yun pang crowd favorite ang pinili. Sabi ko na nga eh dapat nag-El Presidente nalang kami!
Umabot nga pala ang dulo ng pila hanggang sa pinakamalapit na Shakey's, nangangahulugang nalagpasan niya ang Cinema 6 (ano kayang pelikula 'to?), ang CR, at anim na spa. Bongga 'di ba? Kaya hindi na ako nagulat nang madiskubreng wala na palang pwedeng maupuan sa loob ng sine (pero kuha pa rin ng kuha ng ticket si Kuya Personnel - push mo 'yan, 'te! O, pasok pa yung mga nasa dulo ng pila - damay-damay tayo, the more the merrier!).
Puno ang sine, literal! Wala namang choice, wala rin tayong magagawa. Kung saan-saan nalang naupo ang mga huling nakapasok, minamataan ang may mga upuan na pero nakabalikuko pa rin sa mga cell phone nila habang may earphones na nakasaksak sa mga tainga.
Kasama kami dun sa mga naupo nalang sa aisle na katabi ng fire exit.
What you see is what you get. Hindi naman nakabibigo sa parte ko. Pumalya ang storyline - hindi ko alam kung sadya - pero nakakatawa naman talaga itong Sisterakas. Benta ang jokes, benta ang pag-arte. Bentang-benta rin sina Daniel Matsunaga at Daniel Padilla - seryoso, kainis, ang daming walang hiyang babae na nagtitilian tuwing lumalabas ang dalawang 'to.
Okey naman. Malalakas na halakhakan mula sa mga manonood ang naidulot nito. Kung gusto mo ng pelikulang pangpaalis ng stress at hindi na kailangang analisahin, kung mahilig ka sa mga banat, kung trip mo yung Rubadabango, bili ka ng ticket. Masaya naman 'yung mga tao pag-alis sa sinehan.
-----------------------
Pauwi. Nakasakay sa jeep.
Driver: Usog-usog! Maluwag pa, jeep lang tayo! Ang mayaman, nagta-taxi!
Ayun. Wala lang. Yan lang naman ang nangyari sa Pasko ko.
No comments:
Post a Comment