Showing posts with label cinema. Show all posts
Showing posts with label cinema. Show all posts

Wednesday, December 26, 2012

Pasko sa Cinema 5

Pasko. Nakikipagsapalaran sa kapal ng tao, hinahanap-hanap ang dulo ng pila para sa Cinema 5. Ito na iyong sikip na kapag may nagloko ay puwedeng humantong sa stampede. Pero nagpupumilit pa rin ang mga tao dahil Pasko. At upang matabunan ang lungkot sa kanilang mga buhay-buhay, kailangan nilang makapasok sa Cinema 5, 5:20 PM upang manood ng Sisterakas!


Hindi magandang ideya ang manood sa sinehan tuwing Pasko. Bentang-benta ang MMFF (Metro Manila Film Festival), kaya naman, "bentang-benta" rin ang mga upuan sa sine. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong parusahan ang sarili ko tuwing Pasko. Ayoko nang ireklamo na naman ang SM Cinemas, at ang kawalan ng kontrol sa lahat ng mga dapat gawin sa dami ng tao sa mga ganitong panahon. Sa lahat ba naman kasi ng pelikula na pwedeng unahin sa MMFF, yun pang crowd favorite ang pinili. Sabi ko na nga eh dapat nag-El Presidente nalang kami!

Umabot nga pala ang dulo ng pila hanggang sa pinakamalapit na Shakey's, nangangahulugang nalagpasan niya ang Cinema 6 (ano kayang pelikula 'to?), ang CR, at anim na spa. Bongga 'di ba? Kaya hindi na ako nagulat nang madiskubreng wala na palang pwedeng maupuan sa loob ng sine (pero kuha pa rin ng kuha ng ticket si Kuya Personnel - push mo 'yan, 'te! O, pasok pa yung mga nasa dulo ng pila - damay-damay tayo, the more the merrier!).

Puno ang sine, literal! Wala namang choice, wala rin tayong magagawa. Kung saan-saan nalang naupo ang mga huling nakapasok, minamataan ang may mga upuan na pero nakabalikuko pa rin sa mga cell phone nila habang may earphones na nakasaksak sa mga tainga.

Kasama kami dun sa mga naupo nalang sa aisle na katabi ng fire exit.


Sisterakas. Ang hirap pagdiskusyunan. Hindi naman pangit. Ngunit, kung dadamahin at uunawain mo ang pelikula, hindi rin ito ganoon ka ganda. Isa na naman siguro sa mga likha na dahil sa mga nagbibigatang cast (Kris Aquino, Ai Ai de las Alas, at lalo ka na, Vice Ganda), ay nailuwal para sa perang sigurado. But, I have nothing against the whole thing. Naiintindihan ko naman kung bakit ito ang naunang panoorin sa MMFF ng nakararami. Eh kung sa gusto ng mga tao na tumawa.

What you see is what you get. Hindi naman nakabibigo sa parte ko. Pumalya ang storyline - hindi ko alam kung sadya - pero nakakatawa naman talaga itong Sisterakas. Benta ang jokes, benta ang pag-arte. Bentang-benta rin sina Daniel Matsunaga at Daniel Padilla - seryoso, kainis, ang daming walang hiyang babae na nagtitilian tuwing lumalabas ang dalawang 'to.

Okey naman. Malalakas na halakhakan mula sa mga manonood ang naidulot nito. Kung gusto mo ng pelikulang pangpaalis ng stress at hindi na kailangang analisahin, kung mahilig ka sa mga banat, kung trip mo yung Rubadabango, bili ka ng ticket. Masaya naman 'yung mga tao pag-alis sa sinehan.

-----------------------

Pauwi. Nakasakay sa jeep.

Driver: Usog-usog! Maluwag pa, jeep lang tayo! Ang mayaman, nagta-taxi!

Ayun. Wala lang. Yan lang naman ang nangyari sa Pasko ko.

Tuesday, August 21, 2012

Reunion, "The Reunion"

Ang Powerpuff Girls!
Sabado. Naghihintay sa labas ng movie theater, sa ilalim ng malaki at maliwanag na numero uno. Hawak ang dalawang ticket pass sa pelikulang The Reunion.

2:15 PM.

2:15 nga ba? Hindi ko matukoy ang eksaktong oras sapagkat sira na nga ang relos ko, naiwan ko pa sa bahay ang cellphone ko. Kaya naman hindi ko rin ma-text ang inaantay ko.

Pabalik-balik sa ticket booth. Baka nandoon. Wala. Babalik sa escalator.

2:20 PM.

Nakatingin sa escalator. Sina-scan kung paakyat na siya. Ngunit dahil 3-day sale, p0teK - ang daming taong umaakyat - nakakahilo. Babalik sa ticket booth. Babalik sa escalator.

Pasalubong ang babaeng naka-itim at nakasalamin. Magtitilian kami nang sandali. Dali-daling papasok sa loob ng cinema, kung saan kami hinihintay ni Bet.

Reunion with Mareng! :-D

---------------------------------------


So fitting na The Reunion pa ang pinanood namin. Tungkol nga pala ito sa apat na magkakaibigan - astig noon sa high school, lagpak na ngayon sa buhay. Kaya pilit nilang wawasakin ang chain ng kamalasan - iyon bang base ng "connect-the-dots" sa mga buhay nila. At, magsisimula ang pagsisisi sa paghahanap sa kanilang mga ex-girlfriends noong high school.


Plano naming kumain pagkatapos manood. McDo sana, kaya lang sobrang puno. Kaya nag-take-out kami, sa food court nalang kakain.

Sa food court. Hindi pa kami nakaupo, isa agad sa mga staff(?) ang nag-approach sa amin. "Miss, next time, kung saan niyo iyan binili, doon niyo kainin. At pagkatapos niyo kumain, i-plastik ninyo."

Ngayon ko lang narinig 'yun ah. Malamang sa malamang, Ate, hindi na kami mag-aabala pang bitbitin ang mga pagkain namin pababa sa food court kung meron namang mga upuan sa McDo.


Pagkatapos ng mahaba-habang usapan sa food court - at nang matapos din ang milk tea (hindi nagsawa sa pagkain), umuwi na kami. Umuulan ng malakas. Tumawid pa kami... sa baha! At sumakay sa jeep kung saan nag-iinit ang ulo ng driver.

Pasahero (nagtetext): Bayad po.
Driver: *nagbubusina, may sinisigawan*
Pasahero (nagtetext pa rin): Bayad po.
Driver: *nagbubusina, may sinisigawan pa rin*
Pasahero (natigil sa pagtetext): Bayad po!
Driver: SANDALI LANG SIR RELAX LANG KAYO SA BAYAD! DI NAMAN TATAKBO 'YAN EH!
Pasahero: Eh kanina pa eh!
Driver: Kita mong nagtatawag ako ng pasahero!
Pasahero: Eh pinapaabot eh!
Driver: 6@60 KA BA?!

Nakauwi rin naman kaming tatlo nang buhay. Akala ko mamamatay na ako sa sobrang bilis ng takbo ng jeep. Ang hirap talaga kung mainit na nga ang ulo ng driver, gabi at umuulan pa ng malakas.

Gayunpaman, masaya ang nakalipas na Sabado. Nakakatuwa na nagkasamasama ulit kaming tatlo nina Bet at Mareng. Walang pagbabago. Ang sarap talagang makasama ang mga mahal mo sa buhay. :-)