Showing posts with label Manila. Show all posts
Showing posts with label Manila. Show all posts

Thursday, October 24, 2013

Carless Sunday sa Intramuros

Linggo, hapon.

Matapos ang isang buong semestre, muli akong lumuwas sa Intramuros. Carless Sunday sa General Luna, kung saan bumulaga ang lahat ng bagay na mahiwaga. Una sa lahat, ako ay nagmistulang saling-pusa sa lakad na ito. Pero, pinush ko pa rin dahil napaghalataan ko na wala nang aaya sa akin na gumala ngayong bakasyon, matapos kong indian-in ang youth gathering ni Mico (malay ko ba kasing spiritual retreat yun!) at ang book signing ni Lourd de Veyra sa SM North (nag-abala pa naman akong basahin yung libro niya). Ito na, hindi ko na pinalagan.



Pagkatapos ng mahabang panahon, nasilayan ko muli ang aking alma mater primera. Hindi ba't parang heaven nang bumaba ako sa Plaza Lawton pagkatapos ng isa't-kalahating oras na byahe (kung saan ako natusta ng init sa loob ng FX)? Charot lang, kasi hindi naman heaven ang pag-akyat sa mapanghing underpass, pero kunyari nalang.

Nahiya naman ako at ako lang ang hindi nag-initiative mag-bestida!


Ang pambungad sa akin sa General Luna ay walang iba kundi si (drumroll please) Carlos Celdran!!! Kahit buong araw lang siyang palakad-lakad sa lansangan ng Intramuros, parang nakakahiya pa ring magpapapicture kasi ang dami niyang kausap. Pero iba talaga kapag makapal ang mukha.


Natutunan ko na hindi ka dapat pumunta sa mga ganitong okasyon kung wala kang pera. Bagaman magaganda at marami ang mga bilihin, wala ka ring mapapala kundi postcard na tig-lilimang piso at isang libreng brochure.



He he, talagang halungkat lang ang gagawin natin dito 'no?
Pakay namin talaga ang Manila Collectibles - para sa pot painting na isang linggo nang pinagnanasaan ni Bet. Nadaanan na namin at lahat-lahat, hindi pa namin napansin...

Road to paradise... charot
Hindi maipaliwanag ng damdamin ang kanyang nadarama sa tuwing ako ay napapadpad sa mga lugar sa Intramuros na gaya nito. Sadya akong nahuhumaling; parang mayroong gayuma na umaaligid hanggang sa pagtulog hanggang sa paggising sa susunod na umaga. Hindi kaya'y masyado nang mapusok ang aking kasigasigan para sa sining ng Pilipinas? Wala naman sigurong masama doon.



O eto, photo-op muna...


Mas gusto ko bang maging si Daryl Dixon...
... o si Michonne?


Sa wakas: ang pot painting corner! Kung saan ko natutunan na wala akong ka-talent-talent sa pag-kulay.



Tanghalian/Hapunan. Ewan ko ba. Sa paghahanap ng masarap na makakainan, napadpad kaming apat sa pinto ng Ristorante delle Mistre, na dating kainan ng mga fraile noong panahon ng mga Kastila. Sa labas nito, habang pinagmumunihan namin ang aming pagkakataon, agad kaming nahimok ng isang kochero na kumain na sa loob ("mura lang diyan! Ako nga nakakakain diyan eh!"). Sige, kuya, masubukan nga...

Ito na ba yung menu na pang-masa??
Ito ang nasa kisame ng aming kainan...
... ito naman ang nasa dingding!
Sabihin nalang natin na huwag kang papasok sa magagarbong kainan kapag wala kang pera. Iyong tipong walang-wala. Iyong tipong hinahalungkat mo na ang kasulok-sulukan ng iyong kalupi para lang sa barya (totoo!). Pero siyempre, kalma ka lang kasi #yolo! Charot. "Eat, drink, for tomorrow we die". At tandaan: laging magbibigay ng tip. He he, sana na-appreciate naman ni Kuya Waiter iyong smiley face na iniwan namin para sa kanya.

Gabi na nang makaalis kami. Tuloy-tuloy pa rin ang okasyon sa lansangan. Sadyang maganda pa rin ang General Luna sa gabi. Kung umuupa pa rin ako, panigurado, nakapanood pa ako ng Genghis Khan.


Salsa Sunday!


Gayunpaman, matagumpay ang eksperimentong ito. Ngayon ko lang ulit napahalagahan ang kulturang aking kinalakihan. Sana marami pang ganito! Babalik ako kapag nagkaroon ulit ng oportunidad.

At sa susunod, sisiguraduhin ko na may maiuuwi akong derby hat - terno kami ni Carlos Celdran!

more pictures:
Carless Sunday

mood - happy

Thursday, February 28, 2013

Pebrero blues

photo credits to Letran Media Center Photography


Bibigyan ka ng kolehiyo ng isang parangal dahil nagkaroon ka ng parangal. Maaga kang pupunta sa school para dito - naka-uniporme pa! - kahit bumabagyo sa buong Kamaynilaan. In fairness, nakaakyat sa stage...



Tapos, dadalo ka sa tanghalian na inihandog ng kolehiyo para sa pagdiriwang na nabanggit. Pero dalawa lang kayo sa lamesa ninyo, at wala kayong pinag-uusapan. Sa tapat ninyo ang table ng faculty kung saan masayang nag-uusap at nagtatawanan ang inyong mga propesor.



Sa Valentine's Day, makikipag-date ka sa isang virus. Tatlong araw ka niyang pahihirapan at ilalampaso kahit ang daming nakatakdang assignment. Pero wala kang magawa kundi manood sa FOX TV ng reruns ng Walking Dead from Season 1 to Season 3. Tapos, itatakas mo ang computer para subaybayan online ang pinakabagong episode. Kapag wala nang mapanood, babasahin mo ulit ang libro na isang buwan mo nang binabasa pero hindi mo pa rin matapos-tapos.



Magmuni-muni sa ganda ng langit tuwing umaga. Nakatingin sa'yo ang driver ng FX kasi ang weirdo mo - may sound pa ang shutter ng camera ng cell phone mo. Pero wala kang pakialam.




Panooring masunog ang dorm na katapat ng sa'yo. Joke. Naagapan naman bago lumala.



Sound trip kayo sa kotse dahil sobrang traffic. Dear Kuya ang pinapatugtog sa Jam 88.3 - uy, kabisado mo yung lyrics, akalain mo yun?! Hindi mo alam kung anong kinalaman ng billboard na 'to at kung bakit mo pa pinikturan.


Daming audience o!
Huwag kang manood ng youth forum sa SC Auditorium kung saan starring si Grace Poe dahil punong-puno ang venue at mas gusto mo pang paggastusan ang low-budget films na ginawa ng mga Seniors niyo. Oo, ako na ay isang kahihiyan sa bansa ko!



Panoorin sa cafeteria ang pangunguntsaba kay Kevin ng barkada ng isang birthday girl na may crush sa kanya. Success naman kahit ngitian lang ang naganap. At least may cake kami sa table namin. Wakoko!

Sa wakas at natapos na din ang pinakamasagwang Pebrero ng buhay ko. Totoo. Hinintay ko 'to sa pag-asang ito ang magiging pinakamasayang buwan gaya sa mga nakaraang taon. Pero nagkamali ako; ito pa nga ang naging pinakamalungkot, pinakamatrabaho, at pinakanakakaumay. Sa bandang huli, hinintay ko nalang na tumapat sa 28 ang bilang ng kalendaryo, at kahit na ITO na mismo iyon, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ang pinakamaiksing buwan ng taon ang nagmistualng pinakamahaba.