Pero kahapon pa iyon.
Pumasok sa kolehiyo, bitbit ang isang malaking sako ng regalo. Eksaherasyon, pero ang sarap ko naman daw sigurong maging kaibigan. Ha ha! Sa di-malamang rason, medyo bangag din pala ang camera, kaya kung wala akong kuwenta sa pagkuha ng litrato noon, aba'y lalo pa itong nabigyan-diin ngayon.
Tumambay sa Page 1620 kasama sina Jam, Dyan, at Kristelle. Dito ko naikuwento ang pulubi sa underpass. Hindi lang pala ako ang nakakita dito - pati pala si Dyan, sa eksaktong din. Plano naming hanapin siya, ibibigay lang iyong tinapay na binili ni Dyan para sa kanya. Pero, bago pa kami makapagsimula, sinundo na si Dyan pabalik sa Pangasinan. Naiwan sa akin ang tinapay.
At may mini-salon pa sa classroom... |
|
|
Hinanap nga namin.
Ang Justice League ng Intramuros! |
Pahinga sa SM Manila hanggang tatlo nalang kami nina CJ at Alain ang natira. Nanghihinayang si Alain dahil gusto niyang "magkaroon ng meaning ang Pasko niya". Gusto ko rin.
Kaya naman, ito ang nangyari: binuksan naming tatlo ang plastik ng tinapay, pinagdesisyunan na ibahagi ang laman sa lahat ng pulubing madaanan namin. Not a bad idea. Game!
Wala naman sigurong pulubi diyan, CJ? |
At marami pang iba. Sa underpass patungong Sta. Cruz, naglaan kami ng dalawang tinapay para sa lalaking natutulog nang hubo sa sahig. Sa isang pamilya sa likod ng PLM - ang nanay at ang tatlo niyang anak. Isa lang ang mata ng ina. At sa magkakapatid na nagkukutuhan sa underpass ng Central Station patungong Intramuros. Ako ang nag-abot ng tinapay sa matandang babaeng kinakausap ang sarili niya. At bago makapasok sa mismong Walls, sa isang batang lalaki na madalas kong nakikita tuwing papasok ako sa eskuwelahan.
At sabi ni Alain, "Sana hindi sila lumaki nang ganito pa rin". Nakalulungkot lang isipin. Ramdam ko ang bigat na aming natamo sa buong pangyayaring iyon. Na kahit sabihin kong ginusto namin, hindi ko pa rin inasahan na ganoon ang magiging bunga ng aming pag-uusyoso. Must have been quite a sight. Tatlong estudyante ng Journalismo, nagpapamigay ng pagkain sa mapahamak na lungsod ng Maynila.
Naiisip ko na naman si Manong sa labas ng 7-11 na walang-humpay kung umihip sa kanyang harmonica. At, iyong bulag na matanda na tumutugtog ng ukelele sa daanan. Iyong ama na umahon sa underpass pasan ang kanyang anak na mayroon matinding karamdaman. Iyong mga batang humabol sa amin, humihingi ng regalo. Iyong mga magulang na may mga kapansanan kaya hindi makapagtrabaho. Iyong mga taong nawala sa kanilang tamang pag-iisip. Iyong dayuhang pulubi na may kahabag-habag na karatula.
Realidad. Latak ng ating paggiging tao. Kahirapan ng buhay. Ito ang mundo sa labas ng aking bahay o hayskul, o kahit saan pang lugar kung saan ako ligtas. At dito na iikot ang pang-araw-araw ko. Hindi ito magandang tignan.
Napa-isip ako ng malalim. At alam kong napa-isip din sina Alain at CJ. Hindi lungkot, hindi tuwa. Hindi rin pagod. Puros lamang pag-uunawa.
No comments:
Post a Comment