Monday, March 25, 2013

Isang gabing tayuan Episode 2

Ang pamagat ng entry na ito ay ang literal ng salin sa Filipino ng idyomang "one night stand", na kung uulit-ulitin mong babasahin sa iyong isip ay wala namang sense sapagkat, una sa lahat, hindi naman maaaring isalin ang buong kahulugan ng "one night stand" sa makabuluhang salitang Filipino. At pangalawa, wala namang kinalaman sa one night stand ang blog entry na ito.

Ngunit, bilang pintuho sa unang entry ng blog na ito, na nagkekwento ng unang tapak ko sa kolehiyo, napagtanto kong marapat lang itong bigyan ng Part 2. Kumbaga, epilogue. O, 'di kaya isang Curtain Call upang parangalan ang mahabang daan na tinahak ko sa unang taon ko bilang kolehiyala. At kung bakit "isang gabing tayuan", marahil siguro'y ito ang ipinagpapalagay ko na pakiramdam ng dalawang taong sangkot sa di-inaasahang pagtatalik: sa una'y nakakatakot, magulo, malungkot, at tila mali. Ngunit sa katagalan, ito pala'y masaya, kasabik-sabik, at kung inyong mamarapatin - masarap.


Dumalo ako sa huling pagdiriwang ng kolehiyo para sa school-year na ito. Sa ganitong okasyon napaparangalan ang mga estudyante ng IComm na nagbigay-dangal sa kolehiyo nitong nakaraang taon. At para sa ikatlo kong pagpasok sa Dusit Thani Hotel nang hindi nagche-check-in, balot ako ng isang lace gown (na ayon sa motif) na hindi ko pinili, at nagmistulang kontrabida na madalas matatagpuan sa mga komiks. He he.

Mabuhay tayong mga putagenics!
Dito na kami naluklok sa Table 40. Ito 'yung table ng mga naubusan ng upuan. Katabi namin ang stage kaya kahit isa sa mga OBB/AVP, wala kaming napanood. Pagpasensiyahan nalang ang mga litrato; karamihan sa mga ito ay kinuha lamang gamit ang cell phone, at hindi sa akin.




Sa buffet table, ako ay pinaringgan ng isang grupo ng mga babae na "kanina pa pala nakapila" ngunit hindi ko napansin kaya ako nag-overtake. Apparently, ganoon sila ka-gutom. Wala naman akong problemang paunahin ang mga ito sapagkat hindi naman ako sabik na humakot ng pagkain. Nakakagulat lang na bagamat "First Class" ang tema ng pagdiriwang ay natagpuan ko pa rin ang aking sarili na nagmumuni-muni kung papaano nakapasok ang grupong iyon na tila wala namang ka-class-class. Ha! Ha! Akala ko ay nasira na ang gabi ko, pero mali ako.

photo credits to Letran Media Center Photography
photo credits to Letran Media Center Photography

Nakatanggap ako ng dalawang Knights ('yan ang tawag namin sa trophy!). Ako ang tinaguriang Outstanding Journalism Freshman of the Year - akalain mo 'yun? Naaalala ko tuloy ang nakaraang Marso, noong namamaalam na sa aming pangkat ang paborito kong guro noong hayskul. Sa kanyang talumpati, nabanggit niya na, "You will not always get what you want. But you will always get what you deserve". At hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko noon ay ako ang kanyang pinariringgan. Basta, napuno ako ng guilt at kaunting hiya, dahil kung susuriin ko, hindi ko man lang naisip kung ako nga ba'y karapat-dapat; basta't alam ko kung ano ang gusto ko. Pakiramdam ko noon ay ang tanga-tanga ko na hindi ko naisip iyon ni minsan. Hindi pa nga sapat. Para niya akong sinampal upang mapukaw sa isang tapat at nakakahiyang realidad.


Kagabi ko lang natutunan kung ano ang sapat, at kung hanggang saan ang abot ng aking mga kapabilidad na ibigay ang hinihingi sa akin, at kung kailan ito nagiging mahusay. Noon lamang nang ako'y muling tinawag sa entablado upang tanggapin ang Knight na naisip ko na ang lahat ng desisyon, tiyaga, mga gabing walang tulog (pito lahat), pag-aalala at kung anu-ano pa ay bumubuo na sa aking harapan, tila uminog sa sandaling iyon. At napansin ko rin ang linya na humihiwalay sa kung ano ang gusto ko at kung ano ang deserved ko. Isa siyang maganda at pinong linya, at masaya akong naroon iyon. Everything pays off. Everything paid off.



Nagmistulang props nalang din ang mga Knights. Puros pikturan nalang nang lumalim ang gabi.


Nakatanggap itong si Alain ng Knight for Community Service! Naks. Lahat ng pinapaguran ng batang ito ay waging-wagi!


Masasabi kong kamukha ni Kevin si Fandango, na isa rin sa mga rason kung bakit nagpakuha ako ng litrato kasama niya! Astig - kahit basketball player 'to, wrestling superstar and kamukha. Ha ha! Gusto ko nang makitang lumaban si Faaahhhn-daaaahhhng-goooohh

Ang nagmistulang bride and groom!
Malakas na tawanan kasama sina Eunice at Krystel. Sobrang enjoy kasama ang mga ka-block ko noon sa Comm1A. At dahil sabay-sabay naming nilisan ang silid upang mag-"class picture" sa lobby, napagalitan pa kami ng usher!

PERO SOBRANG SAYA. Hindi ko na ma-emphasize pa, basta't ganoon ang mood buong gabi hanggang mag-umaga.

.........

Bago ko lisanin ang isang gabing tayuang ito, gusto kong mag-iwan ng isang "motivational quote", kung matatawag niyo siyang ganun. Galing pa ito sa napakagaling na si Rancho (mula sa paborito kong pelikulang 3 Idiots):
Pursue excellence, and success will follow, pants down.
Tamang-tama.

It was a good night.

Ewan ko ba. Bangag ang nagsulat nito.

No comments:

Post a Comment