Sunday, August 26, 2012

Dear Ikaw

Nakita kita last week sa SM. May kasama ka, yung lagi mo nang kasama sa mga litrato sa Facebook. Nagkatinginan kami nung kasama mo (sa totoo lang, mas nauna ko siyang napansin kaysa sa'yo), ngunti hindi ko alam kung napansin mo ako. Ang dungis ko namang tignan sa aking NSTP uniform. Sandali lang tayong nagkadaanan pero tumatak talaga sa aking isipan na isulat ang pangyayaring ito, o di kaya'y sulatan ka.

Ambisyosa ako eh. Noon, naisip ko na ikaw ang magiging first ko. O, di kaya, parang ikaw. Nahiya naman ako. Naaalala ko tuloy yung summer bago tayo mag-hayskul na pilit kitang tinawagan para lang marinig ang boses mo. Hindi naman tayo nagkausap.

Maswerte ka dahil freebird ka, Kumbaga, laidback sa pinangangatayuan mo; lahat ng ginugusto mo ay nakukuha mo sa kasalukuyang panahon. Hindi pa kasi ako ganyan eh. Lahat kasi ng gusto ko eh kailangan pang balikan, o di kaya'y gamitan ng time machine para hanapin sa hinaharap. Kasama ka doon sa mga gusto kong balikan; gustong-gusto kasi kita. Pero, hindi mo alam iyon. Hindi mo na rin inalam.

Dapat mas mahaba pa 'tong isusulat ko, pero, gago, ano bang kailangan ko sa'yo eh magsasampung taon nang magkaiba ang mga buhay natin? Kapag iniisip ko na ngayon, parang wala na lang din naman. Ako yung tanga dahil umasa ako kahit walang nagpaasa, nag-assume kahit walang dikta. No sour grapes here.

Sana maisip nalang natin ang isa't-isa bilang noong mga bata pa tayo. Yung araw ng Halloween party at nadapa ka sa musical chairs - at ako yung naglagay ng yelo sa namuong bukol sa ulo mo. Malinaw yun sa memorya ko, at sa tingin ko'y iyon ang pinakamabuting nagawa ko para sa'yo. Yun nga lang 'ata ang nag-iisa.

Kung magkikita pa tayo ulit, baka sa sobrang ilang ay hindi na tayo magpansinan. Walang galit, walang rason. At walang rason para basahin mo ito. Naiinis lang siguro ako na bakit parang ang lungkot ko pero ang saya mo. Sana sinabi mo sa'kin na ganito pala. Kung minsang naitanong mo sa sarili mo, ibang-iba na ako ngayon. Sana ipagpatuloy mo iyang kasiyahan mo at maging matagumpay ka sa iyong mga hangarin.

Hindi na kita mamimiss. At, kung magkakaroon ng ilan pang pagkakataon upang magkita tayo muli, hindi na ako mae-excite. Hamo, pagkatapos nito eh patutugtugin ko ang Someone Like You ni Adele at ikaw ang iisipin ko. Ngayon ko lang nakuhanan ng substance ang liriko ng kantang iyan. Iyong-iyo na.

Siguro, sinusulat ko lang ito nang sa malaman ko na tapos na ang aking ilusyon. Nang maintindihan ng pagkatao ko na may iba ka nang katotohanan. Ang gulo-gulo. Ang lungkot. Masakit. Sana nakilala mo pa ako ng lubos. Yan lang din naman kasi ang hirap sa "sana". Ang hirap umasa sa taong hindi alam na may umaasa. Sorry, sorry sa lahat.

Yours,
Kat

No comments:

Post a Comment