Thursday, February 28, 2013

Pebrero blues

photo credits to Letran Media Center Photography


Bibigyan ka ng kolehiyo ng isang parangal dahil nagkaroon ka ng parangal. Maaga kang pupunta sa school para dito - naka-uniporme pa! - kahit bumabagyo sa buong Kamaynilaan. In fairness, nakaakyat sa stage...



Tapos, dadalo ka sa tanghalian na inihandog ng kolehiyo para sa pagdiriwang na nabanggit. Pero dalawa lang kayo sa lamesa ninyo, at wala kayong pinag-uusapan. Sa tapat ninyo ang table ng faculty kung saan masayang nag-uusap at nagtatawanan ang inyong mga propesor.



Sa Valentine's Day, makikipag-date ka sa isang virus. Tatlong araw ka niyang pahihirapan at ilalampaso kahit ang daming nakatakdang assignment. Pero wala kang magawa kundi manood sa FOX TV ng reruns ng Walking Dead from Season 1 to Season 3. Tapos, itatakas mo ang computer para subaybayan online ang pinakabagong episode. Kapag wala nang mapanood, babasahin mo ulit ang libro na isang buwan mo nang binabasa pero hindi mo pa rin matapos-tapos.



Magmuni-muni sa ganda ng langit tuwing umaga. Nakatingin sa'yo ang driver ng FX kasi ang weirdo mo - may sound pa ang shutter ng camera ng cell phone mo. Pero wala kang pakialam.




Panooring masunog ang dorm na katapat ng sa'yo. Joke. Naagapan naman bago lumala.



Sound trip kayo sa kotse dahil sobrang traffic. Dear Kuya ang pinapatugtog sa Jam 88.3 - uy, kabisado mo yung lyrics, akalain mo yun?! Hindi mo alam kung anong kinalaman ng billboard na 'to at kung bakit mo pa pinikturan.


Daming audience o!
Huwag kang manood ng youth forum sa SC Auditorium kung saan starring si Grace Poe dahil punong-puno ang venue at mas gusto mo pang paggastusan ang low-budget films na ginawa ng mga Seniors niyo. Oo, ako na ay isang kahihiyan sa bansa ko!



Panoorin sa cafeteria ang pangunguntsaba kay Kevin ng barkada ng isang birthday girl na may crush sa kanya. Success naman kahit ngitian lang ang naganap. At least may cake kami sa table namin. Wakoko!

Sa wakas at natapos na din ang pinakamasagwang Pebrero ng buhay ko. Totoo. Hinintay ko 'to sa pag-asang ito ang magiging pinakamasayang buwan gaya sa mga nakaraang taon. Pero nagkamali ako; ito pa nga ang naging pinakamalungkot, pinakamatrabaho, at pinakanakakaumay. Sa bandang huli, hinintay ko nalang na tumapat sa 28 ang bilang ng kalendaryo, at kahit na ITO na mismo iyon, hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ang pinakamaiksing buwan ng taon ang nagmistualng pinakamahaba.

No comments:

Post a Comment