Binabalot ng mausok na konsepto ng liwanag ang Glossolalia ni Marlon Hacla, na siyang nagpapaliwanag ng relihiyon at kung papaano ito nilalayuan at muling binabalikan ng tao, sa pag-asang matatanaw din ang kahalagahan nito. Sa pamamagitan ng mga kasindaksindak na salita at kakilakilabot na paglalarawan, dinadala ni Marlon Hacla ang mambabasa sa bangin ng katiyakan, sa katapusan ng buhay, sa mga lihim na pagnanasa, sa kasidhian ng pagtatalik, sa mga politikal na suliranin, at sa gitna ng mga pahina ng Bibliya.
Sinasalamin ng akda ang buhay ng tao, na sa kanyang pagsilang ay pinapasok sa mga tradisyunal na paniniwala ng mundo; na sa kanyang binyag ay nagiging pagmamay-ari ng Diyos; na nabibiyayaan ng komedya at trahedya mula sa kanyang mga unang yapak; na nagpapakabanal at nakakapaghintay; nayayamot at nagkakasala; matitipuhan ang siyensia, kung kailan siya gagawa ng sariling paniniwala upang bugsuin ang kanyang uhaw sa kaalaman, para sa kanyang sariling kaluguran.
Sa paglusob ng modernismo, nakikita ang pagkawasak ng relihiyon. Lahat ng magagandang hangarin pati na rin masasamang balakin ay nababase sa kalawakan, sunggab ng siyensiya; o di kaya'y nasa matataas na gusali, mabibilis na behikulo, at magagarbong teknolohiya - mga instrumentong hindi mawawala sa pag-unlad ng kalidad ng buhay. Sa paghihintay sa Diyos na tila nananahimik na lamang sa panahong ito, inaasam ng tao ang magandang hinaharap upang takasan ang mapait na nakaraan; upang makagawa ng bagong bukas.
Ngunit sa tuwing natatamo niya na ang dulo ng buhay ay hindi kasing ganda ng kanyang inaasam, nanunumbalik ang tao sa nakaraan, upang pagsisihan ang mga nagawa, upang tuklasin kung saan nagkamali. Sa bandang huli, kapag kaharap na ng tao ang kanyang kamatayan - kamatayan na itinakda ng tadhana at sa gayon ay hindi na maaaring labanan - babalik at babalik din siya sa relihiyon, kung kailan niya pag-iispan ang mga sagot sa mga tanong ng susunod na henerasyon, kung saan niya gustong balikan ang nakaraan na siguradong kaniya nang nalimutan, kung kailan niya hinahanap ang Panginoon. Maiintindihan niya na ang bagay na sumasalungat sa liwanag ang siyang makakapagbigay ng katahimikan sa pagkabagabag. Lahat tayo, pagdating sa kamatayan ay babalik sa relihiyon upang maunawaan kung sino ba talaga tayo, at kung para saan tayo.
Ang kalawakan ng paksang gaya nito ay nabibigyan hustisya lamang sa hugis ng prosa. Sa paglihis mula sa tradisyunal na korte ng tula, kung saan namamayagpag ang mga berso, mas nagiging kasindaksindak ang akda. Hindi nabibigyan diin ang "kagandahan" na naiuugnay sa tula anupa't mas malayang naipadarama ang linggatong na nararapat lang sa koleksyong ito. Nagkakabuhol-buhol ang mga salita sa paraan na sila ay nagkakaisa.
Isang pagmumunimuni sa hinaharap; isang malaking tandang pananong tungkol sa at para sa Diyos. Mga boses na nakikipagkompetensiya sa isa't-isa upang marinig ang kaniya-kaniyang daing, tila naghahanap ng malinaw na kasagutan sa kanilang mga maseselang katanungan. Sa ganitong paraan nakikita na ang mga tula sa koleksyon ay galing sa panig ng iba't-ibang persona, iba't-ibang katauhan na mayroong agam-agam sa Diyos at sa relihiyong Kanyang kinakatawan.
Isinalim ni Hacla ang humanidad upang isiwalat ang mga maling akala ng tao, na siyang nagpapakilala sa repraksyon ng liwanag. Gaya ng pinapahiwatig ng kaisipan ng tulang "Maliliit na Bagay", maraming paniniwala ang nababago sa kamatayan.
Nakasaad sa libro ang iba’t-ibang sikreto ng tao, mga pangamba tungkol sa relihiyon, mga salig na sumasalungat sa pananampalataya: tukso, kamatayan, gyera, kataksilan, pag-aabanduna ng ala-ala. Hindi man nito masasagot kung saan mananatili ang enerhiya ng mga namayapa na, o kung tama bang pumunta sa Diyos nang may kakaunting bahid ng sala, naririto naman ang mga rason kung bakit natin kailangan ng relihiyon, ng Diyos, at kung bakit kailangan nating magkasala.
Ang kanyang salita ay matalim - instrumentong tumutulong sa mambabasa na tuklasin ang anumang sikreto ng buhay, na malaman kung ano ang nasa kabilang daigdig, at kung bakit ang taong nakararating doon ay walang magawa kundi "magpumiglas" at "magnasang bumalik sa mundong ito".
At kung ikaw pa rin ay nagtataka kung saan ba patungo ang tao pagkatapos ng buhay na ito, kung alin sa dalawang bersiyon ng iyong sarili ayon kay Josef Koudelka ang lalabas sa iyong katawan: ang tutubuan ba ng sungay o ang bundok na nilulunod sa kadiliman, ang pagbabasa ng akdang ito ay maaari makatulong sa paglutas, sa pagpili, at pag-isip ng iyong kahahantungan hanggang sa ikaw na mambabasa ay wala nang magawa kundi manahimik at makinig na lamang sa maestrong si Marlon Hacla.
No comments:
Post a Comment