Umiikot ang tulang Surjeri ni Jema Pamintuan sa konsepto ng kamalayan ng tao bilang mas mabilis na sistema kaysa teknolohiya, kung saan ang kamalayan ay maaaring resulta ng kanyang personal na kaalaman; ang pagkakaintindi tungkol sa isang bagay batay sa pangunahing karanasan; o maaaring bunga ng modernismo, sinilangan ng teknolohiya, na humihintulot sa mga tao na mabatid at maipagpalagay ang mga pag-aalinlangan tungkol sa mga bagay na kailanman ay hindi pa nila nararanasan.
Ang nasabing konsepto ay naaaninag ng mismong ideya ng akda. Mababasa ang pagkabahala at pagmumunimuni ng persona hinggil sa proseso ng surjeri. Mula sa mga unang patak ng alkohol kung saan isinasawsaw ang bulak na ipampapahid sa "kumakabog na dibdib", patungo sa pagturok ng anesthesia upang maging manhid ang pook na kinukublihan ng yumayabong bukol, hanggang sa marahang pagtahi ng "nakangangang balat", malinaw na naipinta ang bawat pamamaraan at alituntunin ng isang maselan na operasyon bagaman walang katiyakan kung ito ba ay mismong nangyayari sa persona o sadyang pagkokondisyon lamang ng kamalayan sa katawang papasok sa operasyon.
Sa mga aspektong ito umaaligid ang konsepto ng bilis, na siyang nag-uugnay sa oras at espasyo. Oras, na masidhing kinakalkula sa paghihimay-himay ng parteng inooperahan; at espasyo, na kinakatawan ng persona (o pasyente), ng dokor, pati na rin ng lugar kung saan ginaganap ang komplikadong paninistis. Bilis din ang nagsasalin ng ugnayang ito sa prinsipyong moderno; sa siyentipikong prinsipyo ng surjeri, na kung anong literal na pagpuna ay mabilis ding ririlyebo sa mga kaisipang abstrak.
Hango sa konsepto ng bilis, pumapasok ang ideya ng efficiency o ang mabilis na paghahatid nang pangangailangan gamit ang kakaunting enerhiya. Makikita ito sa mga instrumentong ginagamit sa proseso ng surjeri: ang gunting, karayom, at pait, na silang nagbabawas ng pagpapakasakit sa parte ng doktor. Sandata niyang tiyak ang anesthesia, na marahang ituturok sa “pasyenteng naligalig” upang mamanhid ang mga kalakip na pook ng balat na hihiwain, at nang sa gayon ay mabawasan ang pagpapakasakit sa parte naman ng pasyente. Walang sakit, walang abala: mabilis na daloy ng operasyon. Sa ganitong paraan nagiging matagumpay ang pagsasakatuparan ng tungkulin.
Tumuturo sa persona ng doctor ang mga usaping burukrasya o mga proseso ng pagpapabilis at pagkalat ng kapangyarihan at impluwensiya upang ituon ang pagsisikap, panahon, enerhiya, at pansin ng tao sa mga bagay na makapangyarihan. Ang doktor na siyang nagsasagawa ng mga kaparaanan, siya na may hawak ng lisensiya na kumakatawan sa kanyang mga kaalaman, siyang babayaran pa rin ng pasyente anuman ang maganap sa apat na sulok ng laboratoryo, ay hindi masisisi sa nagbabadyang wakas. Sa halip, hindi matitigilan ng anumang resulta ang paglago ng kapangyarihan na kanyang pinanghahawakan. Kapangyarihan sa salapi, oras, pasyente, pati na rin sa lipunan kung saan tinitingala at tinatamo ang kanyang mga ekslusibong serbisyo.
Matatagpuan ang kuryente sa mga kasangkapan na, sa operasyon, ay nakakalusot sa parte ng katawan kung saan sumisibol ang nakakubling bukol. Ang bukol na natutulog sa ubod ng tao, na hindi natin nakikita o maaaring hawakan nang walang tamang kagamitan ay nalulusutan at nasusungkit. Pinapasok nito ang mga lugar na hindi natin kayang abutin. Napapabilis ang resulta. Nagagawa ang imposible.
Sa pagpasok ng tao sa operasyon, lumilitaw ang pagkabagabag sa kanyang dibdib. Ang anesthesiang ituturok ay hindi sapat upang sugpuin ang kamalayan, na siyang naghahayag para sa ginagampanang papel ng nagmamanhid na katawan. Ang pangangailangang itakda ang sarili sa hinaharap ay agad tutugunan ng kamalayan, na siyang nagtatangkang mapaginhawa ang nangangambang kalooban. Sa paghihimok nito sa sarili na manalig sa kaalaman ng doctor, kinukublian nito ang mga pagdududa, at pinapakawalan ang mga nakasansalang takot. Sa ganitong pag-iisip lamang ay lumuluwag ang naninikip na dibdib, nangingibabaw ang pagpapalubay, at nahahawi ang kaba at nang sa magtiwala ang pasyente sa mabuting hinaharap.
Dito rin mapapansin na ang buong proseso ng surjeri ay isang pagtanggi sa konsepto ng bilis. Ang kaalaman ng tao na mayroong bukol sa kanyang katawan at na isinasagawa ang isang maselan na operasyon upang sungkitin ito ay sumsira sa normal na daloy ng buhay. Walang konsepto ng bilis - hindi efficiency, burukrasya, o kuryente - ang makakapagkalkula sa nalalabing resulta ng operasyon, gaya nang hindi pagkilala ng bilis sa kamatayan. Ang resulta ay kaya lamang ibigay ng teknolohiya, na siya namang inuunahan ng kamalayan.
Ang pag-unawa ng tao sa mga pangyayaring kanyang pinagdadaanan ay mahigpit na nakabuhol sa konsepto ng kamalayan na naghihintulot sa kanya na mapuna ang ibig sabihin ng mga karanasang ito. Habang hinihintay ng nababahalang damdamin ang resultang kaya lamang tustusan ng teknolohiya, mabilis na kumikilos ang kamalayan upang ipaliwanag ang mga nadarama o dapat maramdaman. Mula sa pagpahid ng bulak hanggang sa pag-iniksyon ng anesthesia hanggang sa pagpapakawala ng mga tanong na "nakakulong sa susungkiting bukol", pati sa pagsara ng hiwa, walang humpay ang pagdikta ng kamalayan sa sarili na huwag mabagabag sapagkat mayroon pang tatamasin na bukas, na matahimik ang kalooban sapagkat buhay pa ang pag-asa. Ang takbo nito ay sadyang mas kaakit-akit kaysa kahit ano pang teknolohiya.
No comments:
Post a Comment