Friday, July 19, 2013

Ang Oresteyas sa Tanghalang Ateneo


Masama ang bunga ng masama. Ito ang kwento ng Ang Oresteyas, isang trahedyang Griyego na umuusad sa tema ng paghihiganti. Sumisigaw ang konsepto bilang silakbo ng damdamin ng mga karakter, na bagaman katiting lamang ng kanilang pagkatao ang naipresenta ay ating nakilala batay sa mga salitang kanilang pinahayag. Kilala natin si Agamemnon sa pighating kanyang nadarama mula sa salang pag-alay ng panganay na anak na si Iphigenia; si Klytemnestra sa ganid na bumabalot sa kanyang pagkatao, na siya ring naging motibo niya sa pagpaslang sa asawa; ang mga koro o alipin sa Bahay ng Atrius sa takot at kawalan ng karapatan; si Orestes sa kanyang pangungulila sa mga magulang at mga kapatid; at si Elektra sa galit at pagnanasa na matagal niya nang inuukit sa kanyang dibdib.

Ang entablado ay tinamnan ng mga harang na nagmistulang rehas, na siyang sumisimbolo sa paglulupig: ang pagsugpo ng mga damdamin sa Bahay ng Atrius - ang pagsasalarawan ni Agamemnon ng lakas sa gitna ng pagtatangis, ang pagnanasa ni Agistos kay Klytemnestra, ang pagkimkim ni Elektra ng poot sa ina, ang hangad ni Orestes na lumaya sa sumpa ng kanyang pamilya; at ang pagsasawata ng karapatan ng mga alipin, ng mga kababaihan, at pati ng mga ordinaryong tauhan sa panahon kung saan umiikot ang storya.

Lalabas ang mga panauhin hindi lamang sa iisang entrada kundi saanman sa teatro. Moderno ang tela ng kanilang mga kasuotan, ngunit binansagan ang mga ito ng disenyo na tapat sa makalumang panahon: ang itim na korona at tsaleko ni Agamemon, na silang simbolo ng kamatayan at simula ng kalupitan; ang pulang bestida ni Klytemnestra, na nagmistulang apoy ng impyerno; ang mga maduduming basahan na suot ng mga alipin; ang bulgaridad ng blusa ni Elektra habang tinatagay niya ang bote ng alak. Hindi sila nawawala sa karakter, kahit sa ultimong paglilipat ng mga disenyo sa entablado, o pag-aabang ng parteng isasabak sa dula.

Umanod sa pula ang mga dingding ng entablado sa pagkamatay ni Agamemnon. Pula, para sa kulay ng dugo na dumagsa sa mga kamay ng asawang si Klytemnestra. Kasindaksindak ang ritmo ng musika, kasing bilis ng takbo ng puso ng isang taong balot sa pagkakasala. Nagdilim ang mga ilaw gaya ng pagdilim ng paningin ng Mahal na Reyna habang hawak ang taga na ilang ulit pang isinaksak sa katawan ng asawa. Kung pinatay niya si Agamemnon upang ipaghiganti si Iphigenia o upang mamuno sa kaharian ay hindi ko malaman. Ngunit mapapaisip ang manonood tungkol sa moralidad. Sa bandang huli, mortal lang din ang Bahay ng Atrius. Hanggang saan ang sapat para sa taong nakabalikuko sa paghihiganti? Para sa taong mataas ang mga hangarin?

Isang dalubhasang konsepto ang paggamit ng mga tagapanood bilang hukuman na hahatol kung si Orestes ba ay nagkasala o hindi. Makatarungan bang patayin ng isang anak ang kanyang ina upang ipaghiganti ang kanyang ama? Hindi nga ba't tungkuling una sa lahat ito ng anak? Papaano naman kung ang ina ang pinaslang ng anak - hindi ba ito ay kasuklamsuklam sa Diyos, pati na rin sa kapwa tao? Ang banal na obligasyon ay nakatali sa nakaririnding krimen. Siya na gusto lamang gawin kung ano ang tama ay nalagay sa posisyon kung saan dapat siyang pumili sa dalawang mali. Siya ay taksil sa kanyang ama o tagausig sa kanyang ina. Nauwi ang desisyon sa walang hatol; tabla. May kabuluhan ba ang ginawa ni Orestes? Malinis ba ang mga kamay ni Elektra sa kabila ng kanyang paghimok sa ideyang pagpaslang sa ina? Tanggap ba ng sambayanan ang ganitong konsepto ng paghihiganti? Ang paghahari ng makasalanan sa kanilang kaharian? Nasa isip na lamang ng manonood ang huling hatol.

Puti ang kulay ng kapatawaran. Sa isang eksena kung saan nagkatagpo sa kabilang buhay sina Klytemnestra at Agamemnon, maitatanong: gaano katagal darating ang kapayapaan at kapatawaran sa taong nagawan ng sala? Kaakit-akit ang ipinakitang asal ni Agamemnon - siya na nagawan ng napakalaking kasalanan ngunit mas pinili ang pagkadalisay kaysa sariling benggansa. Sa kabila ng linggatong at karahasan na pumalagi sa kanilang pagkatao, naging mapayapa ang pagtatapos ng isang paghihiganti.

Sa paglabas ko mula sa madilim at masikretong mundo ng Bahay ng Atrius, nakabuntot pa rin ang mga konsepto ng pagmamahal at pagkasuklam; pagsasalba at paghihiganti. Ramdam pa rin ang epekto ng palabas bagaman ilang oras na rin ang nakalilipas mula nang ito'y magwakas. Mga maseselang salita na hindi pangkaraniwang binibigkas; mga mahahalay na galaw na pilit inuusig sa likod ng isipan; mga kaawa-awang boses na kahit pilit busalan ay nangingibabaw kasabay ng umaalingangaw na tunog na ginamit sa dula - sila ang pinakalaman ng palabas; ang rason kung bakit naging kapanipaniwala ang pagsasabuhay ng kwento. Dadalhin ng dula ang manonood sa panahon ng Griyego, sa mundo ng isang madugong giyera, sa kailaliman ng sikreto ng lipi ng mga dugong bughaw. Nakakabusog pa rin silang isipin. Ito ang romansa ng trahedya.

No comments:

Post a Comment