Wednesday, February 13, 2013

Yung Gusto Mo Nang Sumigaw

Yung gusto mo nang sumigaw dahil naiinis ka. Dahil simula palang ng linggo ay pagod ka na. Pagod dahil nagbabad ka sa harap ng computer mula alas-7 ng gabi nang Sabado hanggang ala-1 ng hapon nang Linggo para sa isang proyekto na kung tutuusin ay groupwork naman pero napipilitan kang gawin mag-isa para hindi ka na naghihintay pa. Ang hirap hirap hirap kasing maghintay sa wala.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil importante ngayong makahanap ng Microsoft Publisher pero wala nito sa lahat ng computer shop na pumapalibot sa dormitoryo mo.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil hindi ka na makapag-focus sa iyong pag-aaral dahil hinayaan mong masakal ka sa isang putanginang organisasyon -- at sa huli'y hindi mo rin pala makukuha ang parteng inaasam-asam mo dahil wala silang oras para sa'yo. Kaya sa tabi ka muna.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil may presentation ka pa bukas at gusto mong maniwala na wala ka nang pakialam pero MERON. At gusto mong maging maganda ito dahil mataas ang ekspektasyon at nahihiya ka na sa iyong propesor na halata namang minamaliit ka lang dahil minsan kang nagkamali sa klase niya.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil ilang araw ka nang hindi natutulog kaya pwede nang lagyan ng gamit ang eyebags mo.

Wala ka nang makain na matino kaya gusto mo nang umuwi sa bahay mo.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil insecure ka at kahit anong gawin o sabihin mo ay mayabang kahit hindi mo sinasadya. Wala ka ring magagawa dahil ito ang hadlang sa iyong mga kakayahan.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil pasan mo ang mga tanong ng 16 pang tao sa community service. Mga tanong na wala ka namang kasagutan.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil hindi ka pa rin marunong mag-cha-cha-cha at hiyang-hiya ka, at liit na liit ka na hindi masaya ang pagtapos ng araw na ito.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil hindi ka pinapansin ng isang partikular na tao, na kahapon naman ay nakikipagkulitan pa sa'yo. Yung hindi niya pagpansin ay hindi naman ganoon kabigat - pero yung pakiramdam niyang okey lang na hilain ka niya pababa sa kanyang paggiging miserable ang nakakabwisit.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil sa tingin mo ay hanggang dito ka nalang at walang tutulong sa'yong makarating sa mas magandang alituntunin ng buhay. At gustong-gusto mo nang makamit ang mga bagay na nararapat sa'yo.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil hindi nabibigyan-pansin ng iyong mga magulang ang mga pinagpapaguran mong makamit sapagkat masyado silang higop ng kanilang walang kwentang pagtatalo kaya't ni-isa sa kanila ay walang alam na tatlong buwan ka nang walang binabayaran sa eskwelahan dahil binigyan ka ng scholarship.

Yung gusto mo nang sumigaw dahil Lunes palang ay GUSTONG-GUSTO mo nang umuwi sa Novaliches at Miyerkules palang ngayon.

Yung pagod na pagod na PAGOD ka na at gusto mo nang matulog o magpahinga pero kinukulong ka ng iyong OA ng sarili sa iyong mga problema.

Kaya gusto mo nang sumigaw. Kasi, pakiramdam mo ay walang nakakarinig sa mga daing mo, walang nagpapahalaga sa mga pagsisikap mo. Kasi, pakiramdam mo, kapag sumigaw ka na eh mawawala na ang mabilis na pagpadyak ng puso mo at nang baka maubos na ang sakit na dinadama mo.

Yun bang TITIGIL muna ang lahat at hahayaan muna nila akong huminga dahil hindi ko naman laging alam ang mga ginagawa ko at kung bakit ko ginagawa ang mga bagay na ito. Dahil hindi ko alam kung sino na ba ako at kung bakit ang layo ko na mula sa taong ako noong nakaraang taon. At kung bakit Valentine's Day na bukas pero hindi ko pa rin ito nakikitaan ng importansya, o kilig, o nostalgia. Kung bakit ang hirap hirap hirap ng BUHAY

KAYA GUSTO MO NANG SUMIGAW


No comments:

Post a Comment