Lagpas alas-4 ng hapon.
Mga limang oras na ang nakalipas mula nang matapos ang klase ko. Ngunit nanatili pa rin ako sa kolehiyo kasama ang pito pang miyembro ng PC upang 'samahan' si Romeo sa pagsasaulo ng kanyang script. Pagkatapos, napagpasiyahan naming kumain sa Alysa's - 'yung kainan na 'di nalalayo sa aking dorm.
Paglabas namin kolehiyo, habang bumibili ng taho ang aming mga kasamahan, nag-tsimisan muna kami ni Bet dahil ang p0gi ni prof at dahil pinagpipilian namin kung anong regalo ang ibibigay namin kay Mareng na nagdiriwang ng kanyang ika-18 na kaarawan ngayon (happy birthday, ghurl!). Nakisama si Ate Beine sa usapan.
Biglang dumating ang isang mamang may dala-dalang folder ("menu" - kung tawagin namin) na naglalaman ng listahan ng kanyang mga serbisyo. Manghuhula si kuya! Gusto raw ba naming magpahula sa kanya?
Okey, susubukan kong alalahanin ang eksenang ito sa abot ng aking makakaya:
Ate Beine: Sample nga, kuya! Kapag nahulaan mo ako ng tama, magpapahula ako sa'yo. Kapag nahulaan mo ako ng mali, huhulaan kita.
Kuya (ibabalasa ang deck ng mga baraha): Sige, may sample ako dito (ibibigay ang deck kay Ate Beine)
(Ibabalasa ni Ate Beine ang baraha, ibabalik kay kuya)
Kuya (waring binabasa ang mga baraha na nakalatag sa kanyang harapan): May nagkakagusto sa'yo pero hindi mo pinapansin.
Kuya: May ex ka. Limang letra ang pangalan.
Ate Beine: Hindi. Mali.
Kuya: Dalawang pangalan?
Ate Beine: Hindi rin! Mali!
Ate Beine (bubuksan ang palad ni kuya): Ikaw naman huhulaan ko, kuya (babasahin kuno ang palad nito)
Ate Beine: Sure ka, kuya, gusto mong malaman kung anong nakikita ko?
Kuya: Love life iyang tinitignan mo 'no?
Ate Beine: Sure ka, kuya?
Ate Beine: Eight days from now, may mangyayari sa'yo na hindi mo inaasahan. At iyong mangyayari sa'yong iyon ay may kaugnayan sa pangalawa mong anak.
Kuya (parang nagagalit): Pwede kong ibalik sa'yo iyang sinasabi mo. Gusto mo ba?
Ate Beine: ...sige? Ikaw, kung gusto mo.
Kuya: Ibabalik ko sa'yo iyang sinasabi mo. Tatanggapin mo ba?
Ate Beine: Ikaw bahala, kuya. Kung gusto mo.
Kuya: Babalik sa'yo iyan in five days. Wala pang five days babalik na iyan!
Ate Beine: 'Yung alin po?
Kuya: 'Yung hinula mo sa'kin! Nagawa ko na ito. Nakapatalsik na ako ng tao - without touching!
(Makiki-usiyoso na rin ang mga tao sa paligid)
Kuya: Tignan ko nga kung gumagana pa itong kapangyarihan ko. Alam ko ang mga tulad mo. Ngayon lang talaga ako nakakita ng tulad mo, nagsasabi sa'kin ng mga ganyan! Iyang kwintas mo, third eye mo iyan!
Ate Beine: Grabe naman, kuya! Sa Quiapo ko nga lang ito binili eh!
Kuya: Alam ko iyan! Iyang hikaw mo - sun iyan. Araw! May ibig sabihin iyang mga iyan. Nakikita kita minsan sa Luneta. Ngayon, ibabalik ko sa'yo hula mo. Tatanggapin mo ba?
Ate Beine: Osige...
Kuya: Handa ka na bang mamatay?
(Magugulat kaming lahat)
Kahit ngayon, habang sinusulat ko dito itong pangyayaring ito ay nagsisitayuan ang mga balahibo ng aking katawan. Hindi ko mawari kung ako ba ay natatakot o natatawa. Hindi ko lang talaga inasahan na sasabihin niya iyon ng harapharapan.
Ate Beine: Grabe naman. Mamatay? Bakit mamatay?
Kuya: Binabalik ko lang ang hula mo.
Ate Beine: Alam niyo po ba kung ano ang hula ko?
Kuya: May mangyayari sa akin!
Ate Beine: Sabi ko po, eight days from now, may mangyayari sa inyong hindi niyo inaasahan. May kaugnayan iyon sa inyong anak.
Kuya: Ano ba iyon? Aksidente?
Ate Beine: Hindi po. Kapag ba hindi niyo inaasahan, aksidente na agad?
Natawa nalang kaming lahat. Nakakatawa nga naman kasi kung iisipin mo. Kahit isang hula ay hindi naka-tama si kuya. At kung bakit ikinagalit niya ang maling interpretasyon sa hula ni Ate Beine ay nangangahulugang sakto lang ang nahulaan dito.
Hula-hula kasi. Paranoid pa rin kami hanggang sa pag-kain. Hapong tapat at bangag-na-bangag ang iyong pakiramdam. Nakakakilabot pero nakakatawa rin. Hintay-hintay din ng limang araw upang masaksihan kung "gumagana" pa nga ba ang "kapangyarihan" ni kuya.
---------
SPOILER ALERT MULA SA FUTURE: Nasa mabuting kalagayan pa rin ngayon si Ate Beine. At bagamat nakasalubong ko ulit nitong nakaraan buwan sa parehong lugar ang manghuhula, hindi ko na siya nilapitan. Hindi ko kasi alam kung magagalit ba siya kapag sinabi ko sa kanyang itigil na ang raket niya.
No comments:
Post a Comment