Bawat sulok ng Maynila ay may stall ng street food. Kung sawa ka na sa Jollibee, McDo, o Bayleaf, maghanap ka ng pinakamalapit na isawan. Kahit hindi nakakabusog, basta masarap. Lalo na kapag may mga kasamahan ka at sabay-sabay kayong lumalamon ng pagkaing hindi ninyo alam kung malinis o hindi. Hintay-hintay nalang sa umaga kung sinong magkaka-hepa! Ito ang ilan sa mga street food na pinakyaw ko sa Maynila.
Mais. O sweet corn. O corn syrup? Hindi ko alam tawag dito, basta bumili ako. Hindi pala ito advisable na kainin habang naghihintay ng FX sa Plaza Lawton: mainit na nga, makalat pa, at ayaw ng mga FX drivers na may pasaherong kumakain sa loob ng sasakyan nila.
TAHO. Tuwing umaga, noong bata ako, lagi akong pinaglalabas ng baso tuwing dadaan ang magtataho. Kapag medyo walang makain, iyon na ang magsisilbing almusal ko! Bumili ako ng taho sa labas ng kolehiyo, pero dahil matabang, hindi na ako umulit.
Bananacue (at turon na rin). Hindi ko na mabilang kung naka-ilang saging na ako ngayong taon. Ito kasi ang pinaka-accessible na street food sa Intramuros. Kapag hindi ka pa nag-aalmusal o nanananghalian, pwede na itong pang-substitute.
Siomai at gulaman. Ito iyong pagkain na kakainin mo kahit hindi ka naman talaga gutom. Ito kasi iyong sasalubong sa'yo sa (a) LRT stations (b) SM Supermarket (c) SM food court (d) canteen. Eh kung masarap nga naman kasi.
Fishball. Natripan lang namin ni Bet kasi may nagbebenta sa tapat ng dorm. Reward sa sarili namin pagkatapos naming mag-Divisoria. Matagal siyang maluto at medyo masungit si Kuya Fishball pero mapagtiyatiyagaan na. Depende sa sauce - kadalasan, 'sweet' lang naman ang masarap ipares.
Isaw. THE ULTIMATE STREET FOOD. Ito ang pagkaing pinagbawalan sa inyo ng inyong mga magulang. Ito ang sanhi ng hepa at colon cancer! Ito ay isang maduming pagkain! Syempre, nung first time kong makakain nito, nag-alangan din ako. Pero, 'di nagtagal, feel na feel ko na rin iyong pagkapit ng usok sa damit ko.
BABALA: Para safe, bago bumili ng street food, siguraduhing matino ang pagkakagawa. Iyong tipong may kainang kadugtong o may mga kalapit ring stall. In my opinion lang. Prevention is better than cure.
No comments:
Post a Comment