Nasaan na nga ba? | Mula sa exhibisyong "Illuminating Rod. Paras Perez" ng Ateneo Art Gallery |
Ako ang tipo ng taong nagtatago pa rin ng kuwaderno kung saan ko naitatala ang mga saloobin kong personal. Sadyang makaluma siguro ako. O sadyang sentimental. O sadyang marami lamang mga bagay-bagay sa mundo na nais kong bigyang halaga ngunit nahihirapang ibahagi kanino man sa takot na hindi nila maiintindihan ang mga ito. Masasabi kong mahalaga sa akin ang makaalala.
Nais kong mabasa ang aking mga sulatin nang malaman ko kung papaano ako sumusulong hindi lamang bilang mag-aaral ng malikhaing pagsulat kundi pati na rin bilang isang taong pangkaraniwan. Sa isang banda, sa kay habang panahon, nakaligtaan ko ang lahat ng ito. Walang punto, walang bisa, walang halaga. Ngayon, malinaw kong natatanaw ang kasukdulan.
Ang blog entry na ito ang ika-100 na tala sa munti kong paraiso. At sa lahat ng entry na naipaskil ko, ito lamang ang nakaligtaan kong isulat muna sa kuwaderno. Nagbabago na nga marahil ang panahon. Ngayon, mahalaga na rin pati ang oras.
Sa araw na ito, muli kaming nagkita nina Charet at Sheela, mga kababata at kamag-aral sa elementarya at hayskul. Bagaman hindi namin inaasahan ang pagtatagpong ito, sa munting pagkakataong ito ko muling nadiskubre na kay saya pa rin ng buhay sa gitna ng pighati. At sa munting kasayahang dulot nito, nangibabaw din ang kilalang lungkot upang mangahas sa ngiting tunay at dalisay.
Sa FX pag-uwi, sa gitna ng pagtakam sa take-out na McDo, at sa kabila ng pagsulyap ng isang pasaherong naiingayan sa mga halakhak ng mga mag-aaral, naging usapin ang mga problemang kinahaharap, at mga sentimentong hindi kailanman nailalahad sa mga kaibigan sa mga kolehiyong napasukan namin. Sa isang bandang hindi inaasahan, naging kalakip din ng aming muling patigtitipun-tipon ang usapin ng pangarap. Ilang taon na lamang at matatapos na ang lahat.
Lumaki na kaming apat sa mga paraan na hindi ko noon maisip. Sa tuwing nasusulyapan ko sina Charet at Sheela, bumabalik ako sa aming kabataan, na siyang nagmimistulang iba pang mundo sa sarili nito. Para bang isang dimensiyon na lamang ang mga buhay naming nakalipas. Naging higit na mahalaga ang kasalukuyan, ang sandali na iyon sa loob ng FX na para bang habambuhay tatakbo.
Malamang hindi niya ito mababasa ngunit nais kong makita si Charet bilang isang ganap na propesyonal; lider na tinitingala sa isang kompanya. Nais kong makita siyang masaya na higit pa sa sayang naibabahagi niya sa mga taong nasa paligid niya. Nais kong matagpuan niya ang tunay na minimithi ng puso niya at nang magtagumpay siya sa larangang ito. Nais kong ipagpatuloy niya ang mga pangarap niya nang walang pagtatanong, walang pangangamba, walang pagpapanggap. Alam kong mahirap at sadya pang hihirap. Ngunit sa pagkakakilala ko kay Charet, alam kong malalampasan niya ang pagsubok na ibinigay sa kanya nang walang humpay. Puro lamang pagmamahal ang maibibigay ko sa taong ito na, mula sa aming pagkabata, ang siya lamang nakababasa sa mga saloobing hindi ko naipahahayag.
Sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan kung saan sweater lamang ang tanging silong, sa pagpatak ng alas-9 ng gabi, at sa paggulong ng jeep patungong hilaga, naging kalakip ng malugod na pagtatagpo ang malungkot na pamamaalam. Dama kong matagal-tagal muli bago ang sunod naming pagkikita.
Nagiging desisyon ang pagpili ng damit, ang makiupo sa mesa ng kamag-aral na hindi mo gaanong nakakausap, ang pagpunta nang maaga sa bulwagan upang makuhanan ng litrato ang artistang paborito, ang paghihintay sa mga kaibigang matagal mo nang hindi nakikita, at ang pakikisama at pakikiusap sa mga taong hindi mo lubusang naiintidahan.
Isang kakaibang paghimok ang humila sa akin na magsulat, at isulat partikular ang karanasan na hindi ko tuluyang maipaliwanag. Sa muli kong pagpasok sa blog na ilang buwan ko ring nilisan, naharap ako sa desisyong ipagpatuloy o hindi ang burador na kasalukuyan mong binabasa. Muli kong naitanong sa aking sarili kung papaano. At nang masagot ko ito, naitanong ko naman kung bakit.
At sa wakas, nang natapos ang ilang oras na pagmumunimuni, napagtanto kong kay lakas pala ng mga sandaling madalang dumating sa buhay nating kay iksi. Likas ang mga salita, tapat ang damdamin. Hindi lamang pala ang makaalala ang lubos na mabigat; higit pang mahalaga ang hindi paglimot.
Masaya. Malungkot.
Nagtitimpla lamang ang buhay.
---------
At para sa mga taong nalinlang ng blog entry na ito, na inaasahang magiging tungkol ito sa Student Media Congress ngunit walang nakuha mula sa pagbabasa nito, huwag kayong mag-alala: kapakipakinabang ang lahat.
No comments:
Post a Comment