Sunday, January 5, 2014
MMFF: Pagpag: Siyam na Buhay
Ang ideya ng pamahiin bilang paksa ng pelikula ang isa sa mga rason kung bakit ko napiling panoorin ang Pagpag: Siyam na Buhay nitong nakaraang Metro Manila Film Festival. Ipinakita nitong nakasandig pa rin sa kulturang Pilipino ang makalumang paniniwala, at kung papaano ito nakaliligtaan ng kabataang Pilipino. Nakapanghihinayang lamang na bagaman Pagpag ang pamagat ng pelikula, hindi nabigyang-diin ang pamahiing ito. Gayon din ang sinapit ng iba pang pamahiin na ipinasok sa kuwento. Sa halip, ang istorya ng multo (Paulo Avelino) ang nangibabaw sa pelikula.
Kapanipaniwala ang pag-arte ng mga gumanap. Bagaman stock characters lamang sila ng karaniwang pelikulang nakatatakot, sinikap pa rin ng mga aktor na buhayin ang mga ito sa kuwento, gaya ni Janus del Prado na gumanap bilang lasenggerong Tiyo Dencio. Isiniksik niya rin ang katatawanan bilang paliban sa katatakutan.
Sa kabuuan, hindi gaanong nakatatakot ang pelikula. Agad na mahuhulaan kung anong magiging katapusan ng kuwento sapagkat maraming elemento ang istorya na napanood ko na sa ibang pelikulang nakatatakot. Halimbawa, ang isa-isang pagkamatay ng mga tauhan sa kuwento. Anglagay, hinintay lamang ng manonood na mamatay ang mga kaibigan nina Cedric (Daniel Padilla) at Leni (Kathryn Bernardo)upang matukoy kung magtatapos na ba ang pelikula. Gayunpaman, nakatutuwa pa ring malamang konektado ang pagkamatay ng mga tauhan sa pamahiing nilabag nila. Naging malikhain ang manonood sa pag-iisip ng mga paraan kung paano papatayin ang mga tauhan.
Gaya ng inaasahan, maganda ang direksiyon ng pelikula. Ang totoo niyan, si Frasco Mortiz ang isa pang rason kung bakit ko piniling panoorin ang Pagpag. Labis kong nagustuhan ang huling pelikula niyang napanood ko. Kaya naman, sa panonood ko ng Pagpag, higit akong umasa na magiging maganda rin ito. Ngunit, labis naman akong nasawi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment