Tuesday, June 25, 2013
Wala nang halaga
Sa pagsulat ko ng liham na ito, papikit na ang aking mga mata. Tila wala akong maramdaman liban sa antok at pagod. Walang saya, walang lungkot; walang emosyon. Hindi ko alam kung ano sa wikang Filipino ang tawag sa kabuuan nito. Manhid? Posible bang manhid ako sa aking sariling damdamin? Ewan. Basta, alam ko kung ano ito sa Ingles: devoid. Kumbaga, ako ay devoid of all emotions. Kumbaga, ako ay latang walang laman: pilipit, pulupot, baluktot - at kapag tinapik, mababaw ang tunog. Parang... wala lang. Walang laman.
Nitong mga nakaraang araw, madalas kong naiisip ang buhay. Madalas, hindi pa rin ako makapaniwala na naririto na ako sa kinalalagyan ko ngayon. Sinusubukan kong alalahanin kung papaano ako nakarating sa puntong ito; iniisip ko na ang paggunita ang tanging magbibigay sa akin ng lakas at inspirasyon upang magpatuloy sa daang tinatahak. Pero kahit anong pagbabalik-tanaw ang gawin ko, tila wala akong maalala. Parang hindi sapat.
Totoo palang maraming namamatay sa maling akala. Nagbakasakali ako noon na gaganda na ang lahat. Naitatanong ko tuloy minsan kung importante pa ba? Bakit ba ako nagpumilit pang talikuran ang lahat? Paano ba kasi ako nakasigurado na handa na ako noong mga panahong iyon? Papaano mo ba naman kasi malalaman kung handa ka na? Iyon ba yung pagkakataon na kaya mo nang sabihin sa sarili mo na madali lang lampasan ang anumang pagsubok? Iyon bang ikinagagalak mo ang hinaharap dahil alam mong may karapatan ka? Iyon bang pinagsisigawan mo sa buong mundo na - "Sa wakas! Nakarating na rin ako sa puntong ito ng buhay ko. Subaybayan ninyo ang muling pagbangon ko!"
Ano? Paano?!
Hindi ba't ito naman ang gusto kong mangyari? Ganito ba kapag nakuha mo na ang gusto mo? Kapag nakamit mo na ang lahat ng bagay na importante sa iyo? Kapag wala ka nang mahanap na inspirasyon? Kailan ko ba masisilayan ang liwanag? Sawang-sawa na kasi ako sa ilang ulit kong paglapit sa madilim at mahabang eskinita na kailangan ko pang gapangan para lang ako ay muli nitong layuan.
Hindi ka bobo, hindi ka pangit, hindi ka mabagal, hindi ka mahina, wala kang sakit, hindi ka mahirap. Nabigla ka lang. Kaunting kembot pa at malay mo... baka ang maliwanag na dulo naman ang lalapit sa iyo.
Masaya ba ako ngayon?
Kontento.
Pero hindi na ganoon kasaya.
Labels:
conversations with myself,
feelings
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment